CAMARINES NORTE- Aamyendahan ang Municipal Ordinance No 233-2023 na ipinasa ng Sangguniang Bayan ng Basud, Camarines Norte noong Enero na nagtatakda ng karagdagang sweldo sa mga job order at contractual employees’ ng Lokal na Pamahalaan.
Ilang buwan kasi matapos maaprobahan at maging epektibo ang ordinansa ay napag- alamang karamihan sa mga job order at contractual employees ay hindi kwalipikado sa rate adjustment dahil sa qualification standards na nakapaloob dito na mas mataas sa itinakda ng Civil Service Commission sa ilalim ng Memorandum Circular No 1 series of 1991 alinsunod naman sa CSC Resolution No 97-0404.
Napag-alaman ding ilan sa mga posisyon na inuukupa ng JO’s at contractual employees ay hindi kasali sa nabanggit na ordinansa.
Kaya naman para maging inclusive sa lahat ng JO’s at contractual employees ang wage adjustments ay kailangang rebisahin ang ipinasang ordinansa noong Enero.
Noong Lunes ay inihain na sa regular na sesyon ng SB ang ordinansa na may titulong the “Revised 2023 daily wage rates of job order and contractual employees in LGU- Basud.”
Sa ilalim ng proposed revised ordinance P300 ang pinakamababang sweldo na matatanggap ng isang JO o contractual employee habang 1, 200 ang pinakamataas depende sa klase ng trabaho at qualifications.
Ang tatanggap ng P1, 200 o pinakamataas na sweldo ay ang Technical Consultant.
Matatandaan na tinaasan ang sweldo ng mga JO’s at contractual employees sa naturang bayan pagpasok ng 2023 para mabigyan ang mga ito ng economic relief at matulungang makarekober sa epekto ng Covid-19 pandemic.
Nang dahil kasi sa pagmahal ng presyo ng mga bilihin kahit umano ang pangunahing pangangailangan ng kanilang pamilya ay hindi na maibigay.
