Aarangkada sa bayan ng Tumauini, Isabela ang pagsisimula ng operasyon ng Mobile Vaccination Clinic ng Philippine Red Cross Isabela Chapter na isasagawa sa araw ng Lunes, September 6, 2021.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay PRC-Isabela Chapter Administrator Josie Stephany Cabrera, ang mga lalawigan ng Isabela at Cagayan lamang dito sa Region 2 ang nabigyan ng Bakuna Bus dahil na rin sa mataas na bilang ng naitatalang kaso ng COVID-19.
Aniya, gagamitin ang Bakuna Bus sa mga munisipalidad at siyudad sa lalawigan na inirekomenda ng Provincial Health Office na kinabibilangan ng Tumauini, Cabagan, City of Ilagan at Cauayan City.
Ayon pa kay Cabrera, nakabase umano sa listahan o priority group na isusumite ng mga nabanggit na LGU ang target na mabakunahan ng PRC kung saan ang bakunang gagamitin ay magmumula sa DOH Region 2.
Dagdag pa ni Cabrera, September 6 ,7 ,9 at 10 ang mga araw na inilaan sa nasabing bayan kung saan bawat araw ay nasa 200-400 na indibidwal ang mababakunahan.
Sa kabuoan ay nasa 1,500 ang target na mabakunahan ng PRC Isabela chapter sa bayan ng Tumauini.
Malaki umano ang maitutulong ng Bakuna Bus dahil mismong ang PRC Isabela na ang magtutungo sa irerekomendang lugar ng LGU para sa kanilang vaccination roll out.
Tiniyak naman ni Cabrera na masusunod ang health protocol sa loob ng Bakuna Bus dahil ang mga vaccinees at magbabakuna lamang ang papasok sa loob nito.