Ipapatayo sa Brgy. Minante 1, Cauayan City ang COVID-19 Bakuna Center ng Philippine Red Cross Isabela Chapter matapos itong aprubahan ng lokal na pamahalaan ng Cauayan City at Pamahalaan Panlalawigan ng Isabela.
Ito ang kinumpirma ni PRC-Isabela Chapter Administrator Josie Stephany Cabrera sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan.
Aniya, ang nasabing bakuna center ay magsisilbing vaccination site.
Magsisimula umano ang operasyon nito sa oras na magkakaroon na ng accreditation sa Department of Health ngunit ngayong buwan ay pagtutuunan muna aniya ng PRC ang mobile vaccination clinic.
Ayon pa kay Cabrera, pinili ng kanilang ahensya ang Cauayan City na pagtayuan ng bakuna center dahil mataas din umano ang covid rate ng lunsod.
Nilinaw naman nito na eksklusibo lang umano sa pagbabakuna ang serbisyong ibibigay ng red cross sa oras na magsimula na ang operasyon ng bakuna center.
Target ng PRC na mabakunahan ang 5,000 na indibidwal sa loob ng anim na buwan kung saan katumbas nito ang 76% ng priority eligible A1 hanggang A5 at 25% sa group B at C.
Ayon pa kay Cabrera, maaari silang magbigay ng serbisyo sa pagbabakuna sa mga karatig na munisipalidad at pribadong organisasyon kung kinakailangan.
Samantala, kinumpirma rin ng opisyal na fully vaccinated na noong buwan ng May ang 50 na staff at volunteers ng PRC Isabela Chapter.