Office of the Speaker, ipinapaayos na ang P40M na ayuda para sa mga residenteng apektado ng pagputok ng #KanlaonVolcano

Magpapalabas ang tanggapan ni House Speaker Martin Romualdez ng apatnapung milyong pisong tulong pinansyal sa mga residenteng apektado ng pagputok ng Bulkang Kanlaon.

Sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development at Department of Labor and Employment ay ipagkakaloob ang tig-dalawampung milyong piso sa ilalim ng Ayuda para sa Kapos ang Kita o AKAP at TUPAD program.

Tig-sampung milyong piso ang tatanggapin ng unang distrito ng Negros Oriental at ikaapat na distrito ng Negros Occidental mula sa TUPAD at sampung milyong piso mula sa AKAP.

Read More:  DepEd launches disaster risk platform

Mamamahagi rin ang Office of the Speaker ng apat na milyong pisong halaga ng food packs mula sa Disaster Assistance Fund nito.

Ayon kay Romualdez, inaasahang masusuportahan ng mga ilalabas na pondo ang mga naapektuhang residente mula sa dalawang lalawigan at titiyaking may sapat silang resources sa gitna ng idinulot na aberya ng pagputok ng bulkan.

Read More:  DOE open to proposal to remove VAT on electricity

Binigyang-diin din nito na malinaw ang direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos na kumilos nang mabilis sa paghahatid ng tulong para sa mga tinamaan ng pagputok ng bulkang Kanlaon.

Mababatid na nagpakita ng aktibidad ang bulkan bago mag-alas siyete kagabi kung saan nagbuga ito ng ash plume at gas na may taas na limanlibong metro.