Mariing pinabulaanan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC ang alegasyon ng Kabataan at ACT Teachers party-list hinggil sa umano’y pamamahagi ng red-tagging pamphlets na naglalarawan sa mga raliyista bilang terorista sa isang seminar na ginanap sa Taytay Senior High School sa Rizal.
Sa isang pahayag, sinabi ng NTF-ELCAC, na kung susuriing mabuti ang mga pamphlets, walang anumang bahagi nito ang tumutukoy sa red-tagging.
Layon lamang umano ng seminar na ipaalam sa mga estudyante ang modus operandi ng mga recruiters ng New People’s Army batay sa mga ebidensiya.
Ang pamphlets ay ipinamahagi sa mga mag-aaral bilang bahagi ng civic education program ng militar para mapalawak ang kaalaman ng kabataan tungkol sa mga banta sa national security at panganib mula sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army na isang “designated” terrorist organization ng Pilipinas at iba pang mga bansa.