CAMARINES NORTE- Nakataas ngayon ang No Sail Policy sa karagatang sakop ng lalawigan ng Camarines Norte dahil naman sa gale warning ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o Pagasa.
Batay sa ipinalabas na Sea Travel Advisory ng Philippine Coast Guard, strong to gale force winds ang asahang makakaapekto sa karagatang sakop ng lalawigan kaya’t mapanganib ang paglalayag.
Dahil dito ipinagbabawal ang paglalayag ng mga bangkang nasa 250 Gross Tonage pababa.
Alinsunod ito sa isang Memorandum Circular hinggil sa Guidelines on Movement of Motorboats/ Vessels.
Kaya naman pinapaalalahanan ang mga mangingisda lalo na ang mga maliliit ang bangka na huwag na munang pumalaot at hintayin ang mga susunod na abiso.
Kung maalala, ay tumaob ang isang bangkang pangisda sa bayan ng Mercedes noong nakaraang linggo dahil sa lakas ng ulan at hangin.
Ligtas naman ang siyam na mangingisdang sakay ng bangka makaraang ma- rescue ng Maritime Police.
Noong nakaraang linggo rin ay isang babae ang nalunod patay sa bayan ng Basud makaraang tumaob ang bangkang sinasakyan dahil sa malakas na hangin at alon.
Maswerte namang nakaligtas ang dalawaang kasamahan nito.
