Hindi na kailangan pa ng negative result ng RT-PCR test o Antigen test sa mga residente ng Cauayan City na manggagaling sa ibang lugar at darating sa lunsod via air anuman ang kanilang vaccination status.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay PLt. Noraleen Lannu, ang Chief Administrative Officer ng Cauayan Airport Police Station, tanging valid ID at SPASS QR Code lamang ang hinihinging requirements para sa mga arrivals sa naturang paliparan.
Sa mga darating naman na hindi residente ng Cauayan City ay kailangan silang magprisinta ng health declaration na makukuha sa kanilang pinanggalingang lugar, QR Code at negative result ng RT-PCR Test na valid sa loob ng 48 hours.
Samantala, para sa requirements ng departure kailangan lamang ng itinerary ticket, valid ID at ang trace app QR Code.
Ayon pa kay PLt. Lannu, sa ngayon ang flight operation ng Cebu Pacific ay limang beses kada linggo sa mga araw ng Martes, Miyerkules, Huwebes, Sabado at Linggo kung saan ang open counter ay 7:30 ng umaga.
Darating aniya ang plane sa standard time ng 9:40 am at aalis naman ito ng 10:25 ng umaga.
Pagdating aniya ng December 1 ay magiging daily na ang flights bilang tugon sa posibleng pagdagsa ng mga pasahero ngayong nalalapit na holiday season.
Kaugnay nito ay nakahanda naman aniya ang Airport Police sa pagbabantay ng mga pumapasok sa paliparan para matiyak ang kaligtasan ng mga byahero.
Inatasan na rin aniya ni PMaj. Nora Paat, ang hepe ng Cauayan City APS na paigitingin ang kanilang monitoring kung saan sa main gate palang ay istriktong tinitingnan ang mga pasahero at behikulo sa pagpasok sa airport.
Sa ngayon aniya ay wala pa namang naitatalang aberya sa operayson ng domestic airport.