SORSOGON CITY – Patay ang isang rider matapos na aksidenteng bumangga ang minamanehong motorsiklo sa dump truck, alas 2:40 ng hapon, Abril 24 sa interseksyon ng Sitio Baribag, Brgy Bibincahan, East District lungsod ng Sorsogon.
Kinilala ang biktima na si Noli Genita rivero Jr, 39-anyos at naninirahan sa Brgy Benguet, Gubat Sorsogon habang ang truck driver ay nakilalang si Joel Soriano Hidalgo, 48-anyos, may asawa, residente ng Purok Kamanggahan, San Carlos, Tukuran, Zamboanga del Sur.
Sa panayam ng Brigada News sa pahinante ng nasabing truck, galing umano sila sa Maynila at kinuha nila ang bagong-bagong dump truck upang i-deliver sa Zamboanga subalit nangyari nga ang hindi inaasahang aksidente.
Ang biktima naman ay galing ng Bacon District at papuntang city proper nang bumangga ito sa truck.
Nasa kustudiya na ng Pulisya ang truck driver para sa karampatang disposisyon.
