Nilinaw ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ang road closure sa Macapagal Boulevard papunta sa Buendia Avenue sa Pasay City, ay hindi intensyon na pigilan ang mga tagasuporta ni Vice President Leni Robredo na makadalo sa birthday rally nito sa April 23.
Nabatid na isang lane lang ng Macapagal Boulevard ang pwede madaanan mula April 19 hanggang 21, habang ang lahat ng lanes ay sarado mula April 22 hanggang 24.

Paliwanag ni MMDA chair Romando Artes na ang partial road closure sa April 19 ay para bigyang daan ang construction ng stage habang ang full road closure ay magtatapos isang araw matapos ang campaign rally, para bigyang daan ang dismantling ng stage.
Bagama’t ang traffic plan ay napagkasunduan na ng organizer at ng local government unit (LGU) ng Pasay City, sinabi ni Artes na ang early closure ay labag sa kanilang polisiya, pero pinayagan nila ito. //MHEL PACIA-TRINIDAD