Misteryosong “Well of Hell” sa Yemen, napasok na: ano nga ba ang nasa loob?

Sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng daang taon ay napasok at naidokumento ng mga explorers ang totoong nilalaman ng kinatatakutang “Well of Hell” o “Balon ni Barhout” sa Yemen.

Ang misteryosong sinkhole na ito na matatagpuan sa disyerto ng Al-Mahra province sa hangganan ng Oman at Yemen ay nababalot ng mga kwentong pinaniniwalaan ng mga locals doon sa mahabang panahon.

Ilan nga rito ay ang paniniwalang bilangguan daw ito ng diyablo at genie at sinumang lalapit dito ay hinihigop at hindi na nakakabalik.

Mayroon ding mga kwento na may mga nagtangka nang pumasok sa loob ng misteryosong sinkhole sa mga nagdaang panahon pero hindi sila nakaabot sa ilalim dahil wala umanong oxygen.

Pero nito lamang Setyembre 21, isang Cave Exploration Team mula Oman ang naglakas loob at nangahas na pasukin ang kinatatakutang “Well of Hell” gamit ang mga makabagong kagamitan.

Dito na tumambad sa kanila ang nakamamanghang ganda ng hitsura sa loob ng dati ay kinatatakutang lugar.

Makikita sa loob ang mga stalagmites at cave pearls na nabuo dahil sa mga patak ng tubig mula sa itaas na animo’y talon. Mayroon ding mga ahas at ibon na nakita sa loob at anyong tubig na tila maliit na sapa.

Kumuha ng samples ang mga explorer ng lahat ng mga nakitang organismo at bagay sa loob upang isalang sa pagsusuri na siyang makakapagsabi kung ano pa ang mga maaaring naganap sa loob ng sinkhole na hindi nasaksihan sa mahabang panahon dahil sa mga unang paniniwala na naglayo sa mga tao sa lugar. || Shiela Madrigalejos