Kinumpirma ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na nagsagawa na siya ng survey sa mga kapwa niya senador tungkol sa panukalang diborsyo.
Kung saan lumabas na mahigit kalahati sa labing-isang senador na sumagot sa kanyang survey ang tutol dito kabilang na siya at maging sina Senate President Chiz Escudero, Senate Majority Leader Francis Tolentino, Senador Joel Villanueva at Senador Ronald Bato Dela Rosa.
Samantalang pabor naman sa pagpapatupad nito sina Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros, Senador Robin Padilla, Senadora Imee Marcos, Senadora Pia Cayetano at Senador Raffy Tulfo.
Ani Estrada, ginawa niya ang survey upang malaman ang nasa isipan ng mga kapwa niya senador sa mataas na kapulungan lalo na’t nakasulot na ang Absolute Divorce Bill sa Kamara.
Ipinaliwanag naman din niya na ang pagtutol niya rito ay isang pagpapakita ng kanyang pagpapahalaga sa pagiging Katoliko.
Maliban pa roon, naniniwala rin umano siyang marami pang ibang remedyo o lunas sa paghihiwalay ang pwedeng gawin tulad ng pagpapatupad ng abot-kaya na bayad sa annulment process tulad ng mungkahi ni Escudero.