Pinatitigil ang operasyon at pinagmumulta pa ng DENR ang mga ma- ari ng mga resorts na itinayo sa paanan ng Mount Apo na nasa loob ng protected areas sa Kidapawan City.
Sa ginanap na pagpupulong ng Protected Area Management Office noong Biyernes ay kinumpirma ng DENR-Region 12 na may ilang resorts sa Barangay Balabag, Kidapawan City na inisyuhan na nila ng cease and desist order.
Ang mga resorts kasi na ito ay pasok sa protected area ng Mt. Apo at naisyuhan na rin ang mga establishment owners ng show cause order at notice of violation.
Bukod sa mga resorts ay pinagbabayad din ng multa ang local government unit ng Magpet dahil sa umano’y pamumutol ng kahoy sa trail ng mga trekkers papuntang summit ng Mt. Apo.
Unang inirekomendang pagbabayarin ng P2-million ang LGU-Magpet batay sa probisyon ng National Integrated Protected Areas System o NIPAS Act subalit, isasapinal pa kung magkano ang multang ipapataw sa local government unit.