Nagisa si dating Health Secretary Francisco Duque III patungkol sa isyu ng masyadong mahal na presyo ng COVID-19 testing package noong kasagsagan ng pandemya sa bansa.
Sa pagdinig ng House Appropriations Committee ngayong araw, ibinida ni Duque ang accomplishments ng DOH tulad ng implementasyon ng Prevent-Detect-Isolate-Treat-Reintegrate o PDITR strategy, procurement ng personal protective equipment o PPEs at mahigit 77 million Filipinos na “fully-vaccinated” laban sa COVID-19.
Pero inungkat ni dating Health Secretary at ngayo’y Iloilo Representative Janette Garin ang di makatwirang presyo ng testing package na binabayaran ng PhilHealth sa mga laboratoryo na aabot sa 8,150 pesos bawat test.
Punto ni Garin, malayo ito sa mga kapitbahay na bansa sa Asya kung susundin ang formula ng computation ng World Health Organization na nasa 2,000 hanggang 2,500 pesos lamang.
Kaya naman tinanong nito si Duque kung kinonsulta ang iba’t ibang Health ministers ng mga bansa, bagay na kinumpirma ng dating kalihim na hindi nito ginawa dahil sa taas ng demand at kakulangan sa suplay.
Itinuro rin niya ang Benefit Development Office ng PhilHealth na siyang responsable sa pagtitiyak na abot-kaya ng publiko ang testing fees.
Kung si Health Secretary Ted Herbosa naman ang masusunod, kung siya ang kalihim noong panahong iyon ay hindi siya basta papayag sa mahal na singil sa test package at pag-aaralan nila ang international at local costs.
Giit pa ni Garin, hindi maaaring gawing dahilan ang supply shortage dahil kinaya naman ng private sector na magsagawa ng testing kaya mistulang inabuso at tinaga ang PhilHealth at taumbayan.