KORONADAL CITY- HINIHIKAYAT ng Provincial Veterinary Office o PVet South Cotabato ang mga local chief executives sa iba’t ibang mga local government units na magpatayo ng dog impounding facility sa kanilang lugar upang masugpo ang rabies at maiwasan ang mga aksidente sa daan dahil sa mga stray dogs o asong gala.
Ayon kay Veterinarian IV Dr. Byron Dela Cruz ng PVet na ang bayan ng Surallah pa lamang ang mayroong dog pound ngunit may plano na aniya ang bayan ng Polomolok at Koronadal City na magpatayo ng katulad na pasilidad.
Nakasaad sa batas na obligado ang mga cities at 1st class municipalities na magpatayo ng dog impounding facility.
Batay sa datos ng LGU Surallah noong 2021, inihayag ni Dela Cruz na 266 na mga aso ang kanilang na-impound.
Sa mga na-impound, 47 ang inampon at mayroong mahigit 20 na tinubos ng may-ari.
Ilan sa mga nahuling aso ay namatay dahil sa sakit habang ang mga hindi inampon at kinuha ng kanilang mga amo ay isinailalim naman sa euthanasia o mercy killing.
