KORONADAL CITY- NAKAPAGTALA na ang Soccsksargen region ng 300 mga kaso ng dengue ngayong taon.
Ito ay batay sa datos ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) ng Department of Health (DOH) Region 12 mula noong January 1 hanggang March 12 na mas mababa kumpara sa 1022 na kaso sa katulad na panahon noong 2021.
Ayon kay RESU Head Dr. Dyan Zubelle Parayao na karamihan sa mga tinamaan ng dengue ay nasa age group 0 hanggang 10 years old na may 141 cases o 47%.
Nakapagtala ng pinakamaraming kaso ang Saranggani province na may 93; South Cotabato 76 cases; North Cotabato, 63; at General Santos City na may 55 dengue cases.
Kinumpirma ni Parayao na tatlo na ang binawian ng buhay sa rehiyon dahil sa dengue virus na pawang residente ng General Santos City.
Kaugnay nito, hinihikayat ng DOH ang mga mamamayan na ipagpatuloy ang 4S Strategy kontra dengue sa pamamagitan ng search and destroy o paghahanap at paglilinis sa mga breeding places ng lamok, secure self-protection, seek early consultation at pagsuporta sa fogging operations sa mga dengue hotspot areas.
Importante din ayon sa opisyal ang early detection ng sakit upang agad na matukoy kung talaga bang dengue o COVID 19 infection ang sakit ng pasyente.
Kabilang sa sintomas ng dengue ang mataas na lagnat, pananakit ng ulo at panghihina ng katawan sa loob ng dalawa hanggang pitong araw.
