CVAMARINES NORTE – Sasalubungin ng mataas na bayarin sa kuryente ang mga kunsomidores ng Camarines Norte Electric Cooperative sa Oktubre dahil sa pagtaas ng September 2022 billing rates.
Halos dalawang piso ang itinaas ng babayaran sa kuryente kaya tiyak na aaray ang mga kunsomidores.
Batay sa anunsiyo ng Canoreco sa pamamagitan ng official facebook page nito, tumaas ng nasa Php1.8795 per kWh ang babayaran.
Ang residential rate ay nasa Php16.7227 per kWh na kumpara sa Php14.8432 per kWh noong nakaraang August 2022 billing at ang low voltage rate ay Php15.7691 per kWh at ang high voltage rate naman ay Php14.0421 per kWh.
Paliwanag ng naturang kooperatiba ng kuryente na ang pagtaas na ito ay bunsod ng pagtaas ng Blended Generation Charge na Php10.3215 per kWh na tumaas ng Php1.6191 per kWh kumpara sa Php8.7024 per kWh noong nakaraang supply month.
Dahil umano ito sa patuloy na pagtaas ng Fuel Cost na isang pass-through cost na binabayaran sa mga Power Supplier, gaya ng Therma Luzon, Inc. (TLI).
Tumaas ang Fuel Cost ng 23.56% dahil sa mas maraming paggamit ng mas mahal na Coal sa paggawa ng kuryente.
Nakadagdag din dito ang mas mataas na Inflation Rate na naging sanhi rin ng pagtaas ng Generation Charge.
Ang Generation Charge ay nagbabago buwan buwan dahil apektado ito ng WESM prices, power plants dispatch, fuel prices, forex rates at seasons kung kailan binili ang kuryente.
Tumaas din ang System Loss Charge, Senior Citizen Subsidy, Lifeline Subsidy at Generation Rate Adjustment Mechanism (GRAM)/Incremental Currency Exchange Rate Adjustment (ICERA) at Value Added Tax (VAT) Charges.
Sa kabilang dako, bumaba naman ang Transmission Charge dahil sa mas mababang Ancillary Service Charge ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
