CAMARINES NORTE- Isasagawa ngayong umaga ang aerial search operation para hanapin ang limang mangingisda mula sa bayan ng Mercedes, Camarines Norte na ilang araw nang nawawala.
Ayon kay Chief Petty Officer Mario Allan Rosales, Acting Public Information Officer ng Philippine Coast Guard magsasanib pwersa sila kasama ang Philippine National Police, Philippine Air Force, Philippine Army, Maritime, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Mercedes.
Nagkaroon ng pagpupulong ang mga nabanggit na ahensiya kahapon para sa pagpaplano ng aerial inspection.
Ang mga nawawalang mangingisda ay kinilalang sina Roger Pun- an 59, Gerome Pun- an 19, at Efren Lozada Jr. 42, pawang mga residente ng Barangay San Roque, Mercedes.
Pumalaot ang mga ito noon pang September 19 o isang linggo bago tumama ang bagyong Karding.
Ang dalawa pang mangingisda ay nakilalang sina Rodel Carillo 35, na residente rin ng San Roque at Ricky Nuñez ng Barangay Manguisoc parehong bayan.
Umalis naman ang mga ito para pumalaot noong September 22.
