Pagsasabayin ng Kamara ang pagtalakay sa panukalang pambansang budget para sa susunod na taon at ang mga isinasagawang pagdinig ng mga komite sa mahahalagang isyu.
Ayon kay House Majority Leader Mannix Dalipe, ipagpapatuloy ng mga komite ang imbestigasyon sa extrajudicial killings sa war on drugs ng administrasyong Duterte, krimen na iniuugnay sa Philippine Offshore Gaming Operators at iba pang usapin na nangangailangan ng atensyon.
Kinausap umano siya ng ilang mga pinuno ng komite upang humingi ng gabay dahil sa mga nakalipas na taon ay karaniwang isinasantabi ang mga pagdinig upang bigyang-daan ang paghimay sa General Appropriations Bill.
Ibinahagi ni Dalipe na hiniling ng mga chairman ng komite na payagan silang ipagpatuloy ang kani-kanyang imbestigasyon.
Nagiging problema na umano noon ang committee hearing rooms dahil nagkakaubusan ngunit ngayon ay may mga bagong espasyo para sa inquiries in aid of legislation.
Kaugnay nito, ipinag-utos na ni Speaker Martin Romualdez na maglaan ng mga pasilidad sa Batasan Pambansa Complex para sa mga committee hearing.
Paliwanag pa ni Dalipe, maaaring ilaan ang mga silid na malapit sa plenary hall para sa budget briefings samantalang magrereserba ng espasyo para sa imbestigasyon lalo na sa EJK, ilegal na droga at POGO.
Nanindigan naman ang House leader na hindi gaanong magiging problema ang pagkakahati ng atensyon dahil tuwing may pagdinig ang Appropriations Panel ay nakaupo lang naman ang mga kongresista sa loob ng ilang oras bago tawagin para magtanong.
Kaya naman pinayuhan nito ang mga kongresista na pairalin ang “time management” at kung may pagkakataon ay magpalipat-lipat na lamang ng hearing rooms habang hindi pa natatawag.