CAMARINES NORTE- Nilinaw ng Commission on Elections na papayagang makaboto sa May 2022 National and Local Elections ang mga hindi pa bakunado kontra COVID- 19.
Ayon kay Election Officer III Virgilio Veras, wala namang pagbabawal sa mga hindi bakunado na bomoto basta’t mahigpit lang na susundin ang health protocols.
Tugon ito ng opisyal nang matanong sa isinagawang Roadshow of Vote Counting Machine Demonstrations kahapon.
Sa katunayan mayroon din umanong hiwalay na kwarto ang mga botante na makakaranas ng sintomas ng COVID- 19.
Ginawa ang paglilinaw sa gitna na rin umano ng mga maling balita na lumalaganap lalo na sa mga barangay.
Mahigpit naman aniyang ipapasunod ang health protocols sa eleksyon tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield at social distancing.
Posible rin umanong mayroong mabago sa mga patakaran sa mismong araw ng eleksyon depende sa magiging Alert Level ng isang lugar.
