CAMARINES NORTE- Tuloy- tuloy na umano ngayon ang normal operation ng OB Gyne ward ng Camarines Norte Provincial Hospital matapos na magkaroon ng ilang aberya noong nakaraang buwan.
Ito ang inihayag ni Provincial Health Officer II Dr. Arnel Francisco sa naging panayam ng Brigada News FM Daet.
Aniya, mula nang pumasok ang buwan ng Pebrero ay tuloy- tuloy na ang operasyon nito dahil mayroon na ulit OB consultant na naka duty araw- araw.
Nakabalik na rin daw sa trabaho ang mga nurse na nagpositibo sa COVID- 19.
Matatandaan na noong unang linggo pa lang ng Enero ay nagkaroon ng aberya ang OB ward dahil natapos na ang kontrata at hindi na nag renew ang tatlong doktor na OB Gynecologist upang bigyang daan ang kanilang pag- aaral sa pagkadalubhasa o sub specialty training.
Pero nagawan naman ito ng paraan ng ospital pagkalipas ng ilang araw.
Pero noong huling linggo ng Enero ay muling nagkaroon ng problema kaya ang lahat ng mga buntis na pupunta sa CNPH ay inirefer sa napili nilang hospital upang masiguro na maibibigay sa kanila ang kinakailangang serbisyo mula sa OB- Gyne Specialist.
Kaya pumasok noon sa Memorandum of Agreement (MOA) ang CNPH sa isang pribadong ospital para matugunan ang pangangailangan ng mga buntis lalo na ang ang caesarian operation.
