Mercedes MPS mamimigay ng school supplies sa mga kabataan kaugnay sa selebrasyon ng National Children’s Month

CAMARINES NORTE- Mamimigay ng school supplies ang Mercedes Municipal Police Station na magagamit ng mga mebebenipsyuhang bata sa kanilang pag-aaral.

Ito ay bilang pakikiisa ng naturang himpilan ng pulisya sa pagdiriwang ng Buwan ng mga  Kabataan na may temang “New Normal ng Walang Iwanan, Karapatan ng Bawat Bata Ating Tutukan” 

Ang tema ay may konseptong iangat ang seguridad at karapatan ng mga bata alinsunod sa Republic Act No. 10661 o ang tinatawag na National Children’s Month Act. 

Nasa 220 school supplies ang ipapamahagi sa mga kabataan na makakatulong sa kanilang pag-aaral.

Ito ay ipinagkaloob ng Daet Masonic Lodge No. 247 sa pamumuno ni PMAJ Arkhemedes  Garcia, na kasalukuyang hepe ng naturang Municipal Police Station.

Read More:  Mother of four dies while queuing for P20 rice in Bukidnon

Magkakaroon ng programa para sa mga kabataan ang nasabing himpilan na isasagawa sa tulong ng mga guro mula sa  iba’t-ibang Day Care Centers sa bayan ng Mercedes.

Ang nasabing aktibidad ay isasagawa ng mga kapulisan sa pamamagitan ng pagbisita sa mga bahay-bahay na tatawaging  “Bahay mo , Bisitahin ni Aleng Pulis”.

Kasabay din nito ang pagbibigay ng impormasyon para sa kanilang karapatan at seguridad at ang libreng school supplies bilang suporta sa mga bata at magulang upang makatulong sa pagtaas ng antas ng kanilang edukasyon habang hinihintay ng lahat ang pagbabalik ng face to face classes.

Read More:  18 street vendors selling soap along Cebu roads brought to police station

Tiniyak din ng pulisya na paiigtingin ang pagbabantay sa seguridad lalo na ang striktong pagpapatupad pa rin ng mga minimum public health standards upang masiguro ang kaligtasan ng bawat isa lalo na ng mga kabataan laban sa COVID 19. 

Kamakalawa ay nagsimula nang ipatupad ang bagong oras ng curfew na mula alas 12:00 ng hatinggabi hanggang alas 4:00 ng madaling araw at pinahihintulutan na rin ang mga bata at menor de edad na makalabas na ng kanilang tahanan kasama ng kanilang magulang.

Alinsunod ito panuntunan na ipinalabas ng Provincial Incident Management Team ng Camarines Norte makaraang isailalim na lamang ng IATF ang probinsiya sa Alert Level 2.