Parehong nanguna sina Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio at Pangulong Rodrigo Duterte sa mga posibleng tumakbong pangulo at bise presidente sa Eleksyon 2022.
Sa pinakabagong survey ng Pulse Asia na ginawa noong June 7 hanggang June 16, nakasaad na nakakuha ng 28% na suporta si Mayor Sara mula sa 2,400 adult Filipinos na tinanong kung sino ang nais nilang maging susunod na lider ng bansa sa darating na halalan, at sinundan nina Manila Mayor Francisco Isko Moreno sa 14%, dating Senador Ferdinand Marcos Jr. sa 13%, at Senador Grace Poe sa 10%.
Kasama rin sa listahan sina Sen. Manny Pacquiao sa 8%, Vice-President Maria Leonor Robredo sa 6%, at Senador Panfilo Lacson sa 4%, maging sina Sen. Bong Go sa 3%, dating vice president Jejomar “Jojo” Binay, dating Speaker Alan Peter Cayetano at dating Sen. Antonio Trillanes IV, na nakakuha naman ng tig-2%.
Nasa 1% lang ang nakuha naman nina Sen. Richard Gordon, dating Associate Justice Antonio Carpio, dating House Speaker Pantaleon Alvarez, at dating Defense Secretary Gibo Teodoro.
Sa Second Choice Presidential Preference ng survey, nanguna pa rin si Mayor Sarah na sinundan nina Poe, Marcos, Pacquiao at Go, sa top five ng listahan. // MHEL PACIA-TRINIDAD
