Arestado ang dalawang kalalakihan sangkot umano sa pagnanakaw ng baka at kalabaw sa isinagawang operasyon ng pinagsanib pwersa ng PNP Diffun at Santiago City Police Office sa Purok 7, Barangay Mabini Santiago City,Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan sa Police Regional Office No. 2 (PRO2), kinilala ang mga suspek na sina Jay Ar Ahuyan, 20 anyos at Ninoy Otana, 25 anyos na kapwa mga residente ng Halag Proper, Aguinaldo, Ifugao.
Nakatakas naman ang dalawa pa nitong kasamahan na kinilalang zina Jomar Paclibre at Teddy Putang sa isinagawang hot pursuit operation for Violation of Anti-Cattle Rustling Law ng mga otoridad.
Naaktuhan umano ng Diffun PS na nagnanakaw ng ilang alagang baka at kalabaw ang mga suspek.
Nakipaghabulan umano ang mga suspek hanggang sa makarating sa Santiago City dahilan upang makipagtulungan ang Diffun PS sa Santiago PS hanggang sa nakorner ang mga ito at nadakip.
Nakumpiska sa direktang pag-iingat ni Ahuyan ang 1 unit ng improvised 12-gauge shotgun, 2 cellphone, 1 sling bag na may laman na 2 piraso ng zip lock sachet na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana.
Narekober rin ng SOCO ang dalawang hindi pa matukoy na bala ng baril sa 2 behikulo na minamaneho ng mga suspek.
Sinampahan na ng kasong paglabag sa RA 9516, RA 10591 O Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Sec 11 Art 11 of RA 9165 COMPREHENSIVE DANGEROUS DRUGS ACT OF 2002 ang mga nadakip na suspek.