CALATAGAN – Nakakulong na ang mangingisdang tulak umano ng iligal na droga matapos na maaresto sa ikinasang operasyon ng mga awtoridad sa Brgy. Poblacion 4, Calatagan, Batangas, pasado alas-6:00 kagabi.
Kinilala ng Calatagan Municipal Police Station ang suspek na si Brent Eugenio Del Rosario y Torres, 32, binata at residente ng Brgy. Poblacion 3, Calagatan, Batangas.
Sa impormasyon mula kay PMaj. Ronnie Aurellano, hepe ng Calatagan MPS, napag-alamang naaresto ang suspek dahil sa inilunsad na buy bust operation kasunod sa report na kanilang natanggap kaugnay sa pagtutulak ng suspek sa kanilang lugar.
Narekober mula sa suspek ang tatlong sachets ng pinaniniwalaang Shabu, 500 pesos na marked money at isang pakete ng sigarilyo.
Nahaharap sa ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Sec. 5 at 11 ng Art. 2 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.