Malaysia, paiigtingin ang health system nito sa gitna ng pagkalat ng Delta variant

Inanunsyo ng Malaysia na magpapatupad ito ng bagong measures para suportahan ang problemado nitong public health system.

Ito ay matapos maitala ng Malaysia ang panibagong pinakamataas na record para sa mga bagong kaso ng COVID-19 na pinalala ng Delta variant.

Dahil diyan ay inaprubahan na ng gobyerno ang karagadagang 100-million ringgit na pondo para sa outsourcing activities kung saan ay pwedeng mailipat ang non-COVID-19 patients mula sa mga siksikang public hospitals papunta sa mga pribadong pasilidad.

Tataasan rin ng mga otoridad ang bilang ng dedicated COVID-19 hospitals, at bibili ng mas maraming oxygen tanks at mga kama.

Para sa araw ng Martes lamang ay naiulat ng nasabing Southeast Asian country ang 11,079 na bagong infections, na ikatlong daily record na ng bansa.

Base rin sa datos ng Malaysia ay nasawi ang karagdagang 125 tao na tinamaan ng COVID-19.

Sa kabuoan ay umabot na sa 855,949 ang bilang ng mga nairehistrong COVID-19 cases sa Malaysia, na isa sa mga pinakamataas sa Southeast Asia.