Mahigpit na pagsunod sa health protocols, ipinaalala ng HPG sa harap ng napipintong pagtataas ng kapasidad sa public transport

Nagpaalala ang PNP Highway Patrol Group sa publiko na mahigpit pa ring sundin ang health protocols sa harap ng napipintong pagtataas ng kapasidad sa public transport.

Kasunod yan ng utos ni PNP Chief General Guillermo Eleazar sa HPG na tumulong sa Department of Transportation (DOTr) kaugnay sa 30- day pilot study sa pagdadagdag ng mga pasahero sa pampublikong transportasyon.

Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay HPG Provincial Officer Police Major Joselito Quila sinabi nito na ang pagpayag sa pagdaragdag ng kapasidad sa public transport ay para luwagan lang ng kaunti upang makapaghanapbuhay ang mga tao hindi para magkahawa- hawa.

Binigyang diin ni Quila na ang paglaban sa COVID- 19 ay hindi madadaan sa maling katuwiran sa halip ay kinakailangan ang pagtutulungan at kooperasyon ng lahat sa pamamagitan ng pagsunod sa mga alitununin.

“Ito kasing pandemic, hindi natin kayang labanan ng paltarason tayo, ibig sabihin hindi dito kailangan kumita ka lang, kailangan dito tumulong ka sa bayan, ang pagtulong iyong pagsunod sa alituntunin kasi yan lang ho ang nakitang solusyon ng ating mga magagaling na nag aaral tungkol diyan, yan lang ho ang solusyon na tayo ay ma vaccine lahat, maibalik sa normal ang buhay at maibalik ang ekonomiya,” ani Quila.

Read More:  Man killed in riding-in-tandem attack at Bacolod computer shop

Sa ngayon ay naghihintay pa umano sila sa ibabang direktiba ng nakatataas na opisina.

“Kami naman po dito sa ibaba siyempre naghihintay rin lang kami ng order, ng direktiba so namomonitor din namin sa mga news na itataas na di umano yung capacity ng bus from 50 % to 70 %, obviously ay yan ay pinag aralan naman yan ng IATF at siguro sa tingin nila napapanahon na magdagdag o mag increase ng capacity para na rin maka -recover yung ating ekonomiya.”

Ayon pa kay Quila, mayroon naman silang ginagawang pagbisita sa iba’t- ibang terminal sa lalawigan upang siguruhing naipapatupad ang minimum health standards.

Read More:  Mother nabbed in drug bust, 3 children left with neighbors

Gayunman, aminado ang opisyal na limitado lang ang kanilang personnel kaya’t kailangan umano nila ang tulong ng publiko at force multiplier.

Umapela rin ito sa kanilang force multiplier na kung mayroong makitang paglabag ay ipadala ang detalye nito tulad ng lugar at oras at mas mainam aniya kung mayroong litrato.

At ngayong binuksan na ang limitadong pagbiyahe ng mga pampasaherong bus palabas at papasok ng probinsiya ay nagsasagawa umano ng  inspeksyon sa mga terminal ang HPG.

“Meron kaming daily activity, isa na yung inspection ng mga terminal so kinakausap namin ang kanilang terminal manager at mga security, mga personnel na hanggat maaari ay huwag silang lalabag kung ano yung isinaad sa  kanila.”