Aabot na sa isangdaan at dalawampu’t limang mga Pilipino na nabiktima kamakailan ng illegal cyber scam sa Golden Triangle Special Economic Zone sa bansang Laos ang napauwi na sa Pilipinas simula noong August 24 hanggang sa kasalukuyan.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, ginawa ang repatriation sa pangununa ng Philippine Embassy sa Vientiane kasunod ng ginawang pag-crackdown ng Lao government sa mga ilegal na aktibidad sa Golden Triangle sa Bokeo Province.
Bago pinauwi, binigyan muna ng atensyong medikal ng Lao government ang mga naturang Pilipino.
Kasabay nito, hinimok ni Philippine Ambassador to Laos Deena Joy Amatong ang mga nabiktimang Pilipino na makipag-ugnayan agad sa mga awtoridad upang maiwasan na ang mga illegal recruitment, human trafficking at iba pang undocumented work.
Nabatid na umabot sa walongdaan indibidwal ang naaresto kamakailan dahil sa cyber scam network sa Laos.