BICOL—Umabot sa 618 na indibidwal ang nabakunahan ng first dose ng Pfizer COVID-19 vaccine sa unang araw ng vaccination rollout nito sa lungsod ng Legazpi kahapon.
Ito ang pinakaunang pagkakataon na ginamit ang bakunang gawa ng Pfizer Biotech sa Bicol region.
Ginawa sa dalawang vaccination sites ang pagbabakuna kung saan 324 ang nabakunahan sa SM City habang 294 naman sa Pacific Mall.
Ayon sa lokal na pamahalaan, nasa 1,020 doses ng Pfizer vaccine ang allocated sa lungsod. Prayoridad nito ang mga nasa A2 at A4 na nakapagrehistro na sa QR Code.
Nakiusap naman si alkalde Noel Rosal sa mga nakakuha na ng QR Code pero hindi pa kasali sa mga naka schedule na maghintay na muna. Sa ngayon anya ay mayroong 18,000 registrants ang nakapila para sa pagbabakuna.
Samantala, mayroon ding nasa 15 kataong nabakunahan ng second dose ng Sinovac sa SM City vaccination center kahapon habang pito naman ang naturukan ng second dose ng Astrazeneca sa mobile vaccination at dalawa sa SM.### || slm
photo courtesy: Ricorter
