LEGAZPI CITY – Tinatayang nasa 500 hanggang 600 na lamang umano na applications ang maaring tanggapin para sa Financial Educational Assistance na ipinamimigay ng Albay Provincial Education Department (PED).
Ayon kay Charm Zuñiga, head ng nasabing opisina, nasa mahigit 500 na lang ang natitirang slots para sa nasabing assitance, kung saan nasa mahigit 2,000 na ang kanilang naiproseso o nabigyan ng slots.
Aniya, bina-validate na ng kanilang opisina ang mga nakapagsumite ng kanilang mga requirements.
Malalaman na rito kung ilan sa mga estudyante ang karapat-dapat na mabibigyan ng tulong pinansyal sa edukasyon.
Sa oras na maubos ang pondo na ibibigay sa mga mag-aaral ay hihingi muli ito ng budget mula sa gobernador upang mabigyan ang lahat ng benepisyaryo na hindi pa nabibigyan.
Nilinaw ng opisyal, tanging ang mga hikahos lamang ang kanilang tatanggapin sa programa.
Sinabi pa nito, ang bilang ng mga target na benepisyaryo ng PED ay nasa 3, 250 na mag-aaral, kung saan ang bawat kwalipikadong benepisyaryo ay tatanggap ng P2,000.