CAMARINES NORTE- Aabot sa mahigit dalamput isang libong estudyante ang magtatapos sa mga pampublikong eskwelahan sa Camarines Norte ngayong School Year 2021- 2022.
Ayon kay Camarines Norte Schools Division Superintendent Nympha Guemo sa bilang na ito 13, 355 ang magtatapos sa Grade 6 habang 7, 647 naman sa Grade 12.
Ani Guemo maaaring pisikal na dumalo ang mga estudyanteng piniling huwag pumasok sa limited face- to- face classes basta mayroong pahintulot ng magulang.
Batay sa panuntunan ng Department of Education, pinapayagan ang physical End-of-School Year (EOSY) rites sa mga eskwelahan sa lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1 at 2.
Nakatakdang gawin ng mga pampublikong eskwelahan sa buong bansa ang EOST rites mula sa huling linggo ng Hunyo hanggang unang linggo ng Hulyo.
Habang ang mga pribadong eskwelahan naman ay depende sa kanilang school calendar.
Ilang pribadong eskwelahan na sa lalawigan ang nakapagsagawa na ng EOST.
Una nang nagpaalala si Guemo na sa mga gagawing graduation at closing ceremony na sundin ang health protocols.
Suot daw dapat ang face mask habang ginagawa ang seremonya at dapat siguruhin na maikli lang ang programa.
Kung kakailangang tanggalin ang face mask para sa picture taking ay dapat ibalik agad pagkatapos.
Dapat din umanong nakaupo lang ang participants at iwasan ang pag ikot- ikot at iwasan pakikipag kamay o hand shake.
