LEGAZPI CITY – Inihayag ng Municipal Engineering Office ng Malilipot, Albay na ang pagbili ng lupang pagtatayuan ng bagong gusali ng munisipyo ng nasabing bayan ay isa sa malalaking proyekto ng nasabing tanggapan.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Engr. Joel Bueno, sinabi niya na lupa pa lamang ng bagong munisipyo ang kanilang inaasikaso at may pera naman umano ang kanilang lokal na pamahalaan para sa pondo.
Aniya, saka na umano nila iisipin ang para sa konstruksyon sapagkat phase by phase ang mangyayari dahil malaki ang kanilang ipapatayo.
Plano nila itong itayo sa Brgy. 3 – Poblacion ng nasabing bayan at tinatayang nasa PHP15.4M ang halaga nito.
Sa ngayon ay hindi pa masabi ni Bueno kung kailan target na mabili ang nasabing lupa.
Samantala, bukod dito, isa rin ang paglalagay ng perimeter fencing sa slaughter house sa Brgy. Sta. Cruz ng kaparehong bayan.
Ayon kay Bueno, nang sila ay magsagawa ng computation mula sa pondo ng Department of Agriculture (DA), lumabas na hindi na ito kakayanin kung kaya’t perimeter fencing na lamang ang magiging counterpart ng LGU.
Aabot naman sa PHP25M ang pondo para sa slaughter house na kinabibilangan lamang ng main building, water treatment, water system at holding pen.
Inaasahan ding sa buwan ng Hunyo ay maida-download na ang pondo mula Philippine Rural Development Project para sa nasabing proyekto.
Sa ngayon, dinadala muna ang mga karneng baboy para sa pagkakatay sa Tabaco City dahil sila lamang ang mayroon slaughter house na malapit sa kanilang bayan.