Lolo sa West Virginia, nagtapos  ng high-school sa edad na 101

Nabigyan ng diploma pagkalipas ng mahigit 80 taon ang isang 101-taong-gulang na lalaki na kinailangang huminto sa high school sa West Virginia noong 1930’s.

Ayon sa Jefferson County Schools sa West Virginia, si Merrill Pittman Cooper, 101 years old, ay nag-aral sa Storer College, isang dating mataas na paaralan sa Harper’s Ferry, ngunit kinailangan niyang mag-drop out sa kanyang senior year noong 1938 nang lumipat sila ng kanyang ina sa Philadelphia dahil sa problemang pinansyal.

Sa isang pagbisita noong 2018 sa dating Storer College campus, nagpahayag si Cooper ng panghihinayang tungkol sa hindi pagtatapos, na naging daan upang ang kaniyang mga kamag-anak ay makipag-ugnayan sa Jefferson County Schools.

Ang pagsisikap na iyon ay nagwakas ngayong buwan sa pagbigay kay Cooper ng isang honorary diploma ng Jefferson County Schools sa isang seremonya ng pagtatapos na dinaluhan ng kanyang pamilya.

Samantala, ayon naman sa superintendent ng Jefferson County Schools na si Bondy Shay Gibson-Learn, ang Jefferson County Schools ay nakatuon sa pagtulong sa bawat mag-aaral, bata man o matanda, na matupad ang kanilang mga pangarap.### TRIXIE BORRAS, Intern