LEGAZPI CITY- Nakamit ng Ligao Community College (LICOMCO) ang 100% passing rate sa elementary level sa isinagawang Licensure Examination for Teachers (LET) noong nakaraang Enero.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay LICOMCO OIC President at College Administrator Dr. Jovert Ofracio, natutuwa sila sapagkat pumasa ang anim na nag-exam mula sa kanilang paaralan, at nangangahulugang matagumpay nilang naabot ang mission at vision ng kanilang eskwelahan na makabuo ng epektibo at magagaling na professionals.
Sinabi rin niyang ang epektibo at mahusay na pagtuturo ng mga faculty, kasabay ang LET review ang ilan sa mga dahilan kung bakit naabot nila ang 100% passing rate.
Napag-alaman ding isa lamang ang 1st-timer sa mga nag-exam at 5 ang re-takers, kung saan sa kabila ng pagkabigo sa unang subok ay determinado at nakatuon pa ring maipasa ang LET.
Mensahe ni Ofracio sa mga estudyante at graduates na nais ring mag exam na magpokus sa mga gustong maabot sa buhay dahil naniniwala siyang makakamtan ng mga ito ang magandang resulta.
Samantala, 26 graduates naman ang nag exam sa secondary level kung saan 17 o 65.48% sakanila ang nakapasa.