Nanawagan si House Speaker Martin Romualdez sa milyun-milyong botante na maging mapagmatyag sa pagpili ng mga kandidato sa 2025 midterm elections.
Ito’y upang maiwasan na umano ang pagkakaroon ng mas maraming “Alice Guo” sa electoral system ng bansa.
Ayon kay Romualdez, mahalaga ang papel ng mga botante sa prosesong ito dahil masisiguro na ang mga pinuno ay itinataguyod ang integridad, competence at commitment sa kapakanan ng bansa.
Magsisilbi aniyang paalala ang kaso ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na isa umanong Chinese national upang hindi na maulit ang kahihiyan at tanging mga kwalipikadong indibidwal ang mahahalal.
Bukod dito, ipinunto ng Speaker na mahalaga ang papel ng Commission on Elections sa pagtanggap ng aplikasyon ng mga kandidato.
Ipinaliwanag ni Romualdez na bagama’t ministerial ang pagproseso ng certificates of candidacy, kailangan pa ring tiyakin ng COMELEC na mapoprotektahan ang integridad ng electoral process.
Marapat umanong gamitin ang legal measures gaya ng disqualification petitions upang tugunan ang anumang isyu lalo’t bahagi ng transparent processes ng batas ang pagkuwestyon sa unqualified candidates.
Dagdag pa nito, dapat kilalaning mabuti ang mga kandidato, beripikahin ang kwalipikasyon at busisiin ang anumang pagdududa sa kanila bilang bahagi ng responsibilidad na pangalagaan ang demokrasya.