Libu-libong Indian ang hinihinalang biktima ng malawakang scam ng pagbebenta ng pekeng Covonavirus vaccine sa India.
Kasunod ito ng pagkakaaresto ng ilang mga doctor at medical workers na sinasabing sangkot sa scam.
Ayon sa report, nasa 12 fake vaccination drives malapit sa Mumbai sa Maharashtra state ang nasabat ng Mumbai police.
Kinumpirma ng Senior Police Official na si Vishal Thakur na ginagamit ng mga kawatan ang saline water sa pagbabakuna sa lahat ng kanilang nadiskubreng pekeng vaccination camp.
Napag-alaman ng mga otoridad na nasa 2,500 na tao ang nabigyan na ng fake shots kung saan napag-alaman ding nakakolekta ang mga suspect ng kanilang $28,000.
Nadiskubre din mula sa mga naarestong doktor na ginagamit nila ang kanilang koneksyon sa ospital para makapaglabas ng pekeng certificates, vials at mga syringes.
Sa ngayon ay nasa 14 na ang naaresto ng mga pulis na pinaniniwalaang sangkot sa scam habang kumbinsido ang mga otoridad na dadami pa ang mahuhuli habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Matatandaan na matinding naapektuhan ng second wave ng COVID-19 ang India noong Abril hanggang sa unang bahagi ng Hunyo kung saan umabot sa milyon ang infections at daang libo ang nasawi.