Inanunsyo ng Department of Health na naitala nito ang dalawang karagdagang kaso ng Delta variant ng COVID-19 sa Pilipinas.
Ayon sa DOH, ang dalawang kaso ay kinabibilangan ng dalawang migranteng Pilipino na nanggaling sa Saudi Arabia.
Sinabi ng ahensya na nakauwi ang mga pasyente sa Pilipinas noong May 29, 2021 at nakumpleto naman nila ang kinakailangan na 10-day isolation period.

Ayon sa DOH, na-discharge na ang mga nasabing indibidwal mula sa quarantine facility matapos silang matukoy bilang recoveries.
Una nang sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vegeire na kailangan ng Pilipinas na maging mas vigilant laban sa pagpasok ng Delta variant sa bansa, sapagkat dalawang beses na mas nakakahawa ito kumpara sa Alpha.
Mababatid na aabot na sa 19 ang bilang ng mga kaso ng Delta variant sa Pilipinas.
Matatandaan na unang na-detect ang Delta variant sa India.