CAMARINES NORTE- Inihayag ni Acting Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco na kailangang mag doble sipag ang vaccination teams ng mga Local Government Unit dahil patuloy umano ang pagdating ng bakuna sa lalawigan ng Camarines Norte.
Sinabi ito ni Francisco sa isinagawang Operational Period Briefing kamakalawa batay sa ipinalabas na kalatas ng Communication Crisis Cluster ng Provincial Task Force on COVID- 19 kahapon.
Aniya, plano na ring magbakuna araw- araw ng vaccination team ng Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH) at kaya umanong bakunahan ang nasa dalawangdaang katao sa loob ng isang araw.


Marami pa umanong available vaccines ngayon ang Provincial Health Office kaya’t hinihikayat ang publiko na magpalista sa CNPH upang mabakunahan.
Batay sa pinakahuling vaccine statistics ng Department of Health as of October 25, 2021 nasa 191, 711 ang natanggap na doses ng bakuna ng probinsiya at sa bilang na ito ay 93% na ang naibakuna para sa first dose at 54 % naman ang nakatanggap na ng second dose.
Matatandaan na noong Lunes ay nagpaalala rin ang DOH Bicol sa mga LGU na kailangang maibakuna sa qualified recipients sa loob ng tatlo hanggang anim na araw mula sa petsa kung kailan ito naideliver alinsunod sa NVOC advisory.

