CAMARINES NORTE- Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Sangguniang Bayan ang Rapid Antigen test ordinance sa bayan ng Basud, Camarines Norte.
Inaprobahan ito sa regular na sesyon ng konseho noong Lunes matapos ang serye ng mga pag- aaral at public hearing.
Sa ilalim ng ordinansa, mas mababa ang singil sa Rapid Antigen test sa naturang bayan na nagkakahalaga lang ng P300.
Bibigyan din ng 20 % discount ang senior citizens, Persons with Disability at estudyante.
Libre naman ang antigen test sa LGU- Basud employees kung mayroong “compelling circumstances” random man o mass testing.
Hindi rin pagbabayarin sa antigen test ang mga empleado ng naturang Lokal na Pamahalaan na mayroong Official Business sa labas ng munisipyo o probinsiya at para sa case management purposes


Ang makokolekta at maiipong bayad ay magiging Trust Fund na gagamitin lang sa pagbili ng Rapid Antigen Testing Kits.
Kung dumating naman ang panahong ideklara ng mga kinauukulan na tapos na ang pandemya ay ililipat ang naipong pondo sa General Fund.
Ang Municipal Health Office ang magiging Testing Center para sa Rapid Antigen Test.
Gayunman nakapaloob sa ordinansa na maaring kunin ng Local Chief Executive ang serbisyo ng ibang laboratoryo o mag hire ng serbisyo ng testing practitioner sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement.
Kung maalala ay dati na ring hinimok ni Acting Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco ang mga LGU na magsasagawa ng Rapid Antigen Test na magkaroon ng MOA sa CNPH.

