Natanggap na ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batanes ang 1,100 family food packs (FFPs) mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) bilang bahagi ng augmentation support sa lalawigan.
Ito rin ay inisyatiba ng ahensiya bilang paghahanda sa posibleng epekto ng bagyong Egay.
Base sa report ng Batanes Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, dumating ang mga FFPs sa pamamagitan ng AFP C-130 at C-295 transport aircraft noong Hulyo 20 at Hulyo 22.
Ayon naman sa Team Leader ng DSWD-SWAD Batanes na si Haidee Sto. Tomas na ang kabuuang alokasyon aniya para sa Batanes ay nasa 7000 kaya’t umaasa siya na maidadala muli ng AFP ang natitirang 5,050 FFPs sa kanilang lalawigan.
Nagpasalamat din ang kanilang pamahalaan sa Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard at Philippine Navy/Marines sa kanilang pamamahagi ng tulong sa pagbaba at pagkakarga ng mga FFPs.
Sa kasalukuyan, nakaimbak na ngayon sa mga bodega sa PSWDO Building at PDRRMO Logistics Hub ang mga FFPs kung saan naglalaman ang mga ito ng anim (6) na kilo ng bigas, apat na lata ng corned beef, apat na lata ng tuna, dalawang lata ng sardinas, limang sachet ng kape, at limang sachet ng cereal drinks.