CAMARINES NORTE- Isang 36 anyos na lalaki ang naaretso ng mga otoridad ng Paracale MPS matapos na ireklamong nanutok ng baril dakong alas 10:50 ng umaga nitong byernes santo sa Purok 2, Barangay Dalnac, Paracale, Camarines Norte.
Ang suspek ay kinilalang si alyas “Eloy”, 36 anyos, may kinakasama ,mining financier sa isang maliit na minahan at residente ng nasabing lugar.
Ayon sa ulat na isinumite ng Paracale MPS ang biktimang nakilalang si alyas “Noe”, 35 anyos, isang magsasaka at residente rin ng nabanggit na lugar ang mismong nagreport sa mga otoridad ukol sa diumano’y panunutok ng baril ng nabanggit na suspek.
Agad namang nagtungo sa lugar ang mga rumespondeng kapulisan at doon nadatnan ang suspek na may dalang sling bag at nagsagawa ng imbestigasyon tungkol sa pangyayari.
Ang nasabing suspek ay agad na inaresto matapos na positibong kinilala ito ng biktima at ipinaalam rito ang kanyang karapatan bilang akusado.
Sa isinagawang inspeksyon at paghahanap, narekober sa suspek ang isang (1) Sling bag na kulay itim na naglalaman ng isang (1) unit ng hinihinalang kalibre 45 na baril na may tatak na Taurus at naglalaman ng isang (1) magazine na may pitong (7) bala, isang (1) plastic zip lock na naglalaman ng hinihinalang marijuana, isang (1) improvised tooter at isang (1) rolyong aluminum foil.
Tinatayang umaabot sa halagang Isang Daang Piso (Php100.00) ang halaga ng nakumpiskang marijuana.
Ang nasabing suspek at mga nakuhang ebidensya ay dinala sa Paracale MPS para sa kaukulang disposisyon. Inihahanda na ngayon ang kaukulang kasong paglabag sa RA 10591, RA 9165 at Grave Threat para sa pagsasampa laban sa suspek.
