CAMARINES NORTE- Arestado ang isang lalaki makaraang makunan sa CCTV camera sa aktong pagnanakaw ng bag na naglalaman ng cellphone at pera kamakalawa ng hapon.
Lumapit sa himpilan ng Paracale Municipal Police Station ang biktimang si alyas “Win” upang ireport ang pagkawala ng kanyang bag na naglalaman ng dalawang cellphone na nagkakahalaga ng P17, 000 at P2,000, cable charger at perang umaabot sa humigit kumulang P6, 000.
Batay sa salaysay ng biktima, bumisita umano siya sa kaniyang tiyuhin sa Purok 2, Brgy. Dalnac sa naturang bayan at iniwang nakaparada at nakabukas ang kaniyang sasakyan.
Dahil sa kuha ng CCTV sa lugar ay agad na nakilala ang suspek kaya’t mabilis ding nagsagawa ng hot pursuit operation ang pulisya.
Isang concerned citizen ang nagreport sa pulisya na ang suspek ay papasakay ng Bus kaya’t agad itong pinuntahan at doon nga nadatnan at inaresto ang suspek na kinilala lamang sa si alyas na “Totoy”, nasa wastong gulang at residente ng Purok 2, Brgy Magang, Daet.
Nakuha sa pag iingat ng suspek ang nawawalang bag laman ang nabanggit na items.
Mahaharap sa kasong Theft ang suspek na ikinustodiya sa Paracale MPS.
Ayon kay PMaj Edwin Adora, hepe ng naturang himpilan ng pulisya na ngayong bagong taon ay mas lalo pa umanong paiigtingin ng kanilang hanay ang pagsugpo at paghuli sa mga masasamang loob.
