CAMARINES NORTE- Nananatili sa dalawa ang naitalang firecracker related injury sa lalawigan ng Camarines Norte kaugnay sa pagdiriwang ng Pasko at pagsalubong sa Bagong Taon.
Batay ito sa tala ng Camarines Norte Provincial (CNPH) mula December 21 hanggang kahapon, January 3, 2022.
Ang dalawang naitalang firecracker related injury ay dahil sa kwitis na nangyari sa mismong araw ng Bagong Taon.
Ito ay ang 45 anyos na lalaki mula sa bayan ng Labo na nagtamo ng injury sa kaliwang mata at isang 52 anyos na lalaki mula naman sa bayan ng Talisay na nagtamo ng second degree burn sa kaliwang kamay.
Kapwa nagpakunsulta lang sa CNPH ang mga biktima at nakauwi din naman matapos lapatan ng kaukulang atensyong medikal.
Sa pagdiriwang ng pasko at pagsalubong sa bagong taong 2021 ay mayroong isang kaso ng firecracker related injury na ang biktima ay isang 17 anyos mula sa bayan ng Daet dahil sa kwitis.
Sa January 6 pa ng taong kasalukuyan magtatapos ang monitoring sa paputok kaya posible pang madagdagan ang naturang bilang ng firecracker related injury.
