CAMARINES NORTE- Sinilbihan muli ng warrant of arrest ang isang lalaki na humalay umano sa sariling anak na nasa edad siyam na taong gulang na naganap noong nakaraang taon.
Ayon sa PNP, bagaman nasa loob na ng piitan ay mariin pa rin daw itinatanggi ng 51 anyos na akusado na kinilalang si alyas “Pacing” na hinalay niya ang sariling anak.
Sa ulat ni PMaj Melvin Atacador, hepe ng Basud Municipal Police Station, ginawa ang pagsisilbi ng arrest warrant laban sa suspek kahapon ng umaga mula sa sala ni Presiding Judge Rene Morallo De La Cruz ng Regional Trial Court Branch 5.
Isinilbi ang arrest warrant sa loob ng custodial facility ng naturang Municipal Police Station kung saan ito kasalukuyang nakakulong.
Walang inirekomendang piyansa ang hukuman para sa kasong statutory rape in relation to Republic Act 7610 o Anti Child Abuse Law.
Matatandaan na unang inaresto ang suspek noong Enero dahil sa kasong rape.
Una nang sinabi ng PNP Women and Children Protection Desk sa naturang bayan na ginagawa nito ang lahat ng mga kinakailangang intervention sa gitna ng tumataas na kaso ng rape.
Patuloy umano ang ginagawa nilang pagtungo sa mga barangay upang magsagawa ng awareness campaign.
Katuwang sa kanilang pinaigting na awareness campaign ang mga opisyal ng barangay at iba pang stakeholders.
Mula nang pumasok ang taong kasalukuyan hindi bababa sa apat na katao sa naturang bayan ang inaresto dahil sa kahalintulad na mga kaso.
