CAMARINES NORTE – Arestado ang isang lalaki sa bayan ng Mercedes Camarines Norte na akusado sa kasong 2- counts of statutory rape.
Batay sa ulat ng Mercedes Municipal Police Station kinilala ang akusado na si alyas “Rap” 20 anyos, binata, at residente ng Purok 1-B, Brgy. 3 sa naturang bayan.
Ginawa ng mga pulis ang pag aresto kay alyas Rap kamakalawa ng hapon sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Presiding Judge Rene Morallo Dela Cruz ng Family Court Branch 5 dito sa bayan ng Daet.
Ang suspek ay ikalawa sa listahan ng Municipal Most Wanted Person sa Mercedes at ika- sampu naman sa Regional Most Wanted list.
Walang inirekomendang piyansa ang hukuman sa suspek na nasa kustodiya ngayon ng Mercedes Municipal Police Station para sa kaukulang disposisyon.
Sa statutory rape, panggagahasa agad kung ituring ng batas ang pakikipagtalik sa mga wala pa sa age of sexual consent kahit na pumayag pa ang menor de edad.
Ang krimen ng rape ay karaniwang may parusang reclucion perpetua o hanggang 40 taong pagkakakulong.
Marso 2022 itinaaas ang age of sexual consent” sa 16-anyos mula sa dating 12 anyos dahilan para awtomatikong maging statutory rape ang krimen ng mga nasa wastong gulang na makikipagtalik sa mga batang 15 anyos pababa.
Alinsunod ito sa Republic Act 11648, na pinirmahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong March 4, 2022 Layon ng batas na protektahan ang mga bata sa panggagahasa at sexual exploitation ng mga nakatatanda.
