SAN JUAN – Patay ang isang lalaki matapos na malunod sa dagat sa Barangay Putingbuhangin, San Juan, Batangas kahapon ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Rico Triviño y Nolos, 34 anyos, may asawa at residente ng naturang lugar.
Ayon sa imbestigasyon ng San Juan Municipal Police Station, nag-iinuman ang biktima at ang kanyang mga kaibigan malapit sa dalampasigan bandang 12:30 na tanghali ng nagpaalam ito na maligo sa dagat.
Makalipas umano ang 30 minuto ay nakita na lamang ang biktima na nakalutang sa dagat na wala nang malay at bumubola ang bibig.
Ayon sa kapatid nitong babae, dati nang nadiagnose na may hypertension ang biktima.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naturang insidente.