CAMARINES NORTE- Patay ang isang lalaki matapos na malunod sa Ramos Beach Resort sa Barangay Gumaus, Paracale, Camarines Norte kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Roberto Dela Cruz 53, residente ng Purok 6, Barangay Sta Rosa Norte sa bayan ng Jose Panganiban.
Ayon sa ulat ng Camarines Norte Police Provincial Office, dakong alas 3 ng hapon noong linggo nang huling namataang naliligo at lumalangoy si Dela Cruz habang nasa impluwensiya ng alak.
Makaraan ang ilang oras nang matagpuan ang katawan nito na nakalutang sa baybayin mahigit 500 metro ang layo mula sa nabanggit na resort.
Ni- rescue ng mga tauhan ng MDRRMO ang wala nang malay na biktima at isinugod sa Jose Panganiban Primary Hospital pero ideneklarang dead on arrival ng doktor.
Agad namang nakipag ugnayan ang Paracale MPS sa kapamilya ng biktima upang ipaalam ang pangyayari at nagsagawa ng imbestigasyon.

