Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines na nagsagawa ito ng military operation ngayong umaga kaakibat ang ‘close air support’ laban sa umano’y Isis-inspired terrorist groups sa Lanao del Sur.
Ayon kay AFP Spokesman Colonel Ramon Zagala sanib-pwersa ang 103rd Brigade ng Philippine Army at ang Philippine National Police sa isinagawang operasyon sa liblib na bahagi sa bayan ng Maguing.
Sa impormasyong ibinahagi ni Zagala, patuloy pa hanggang sa kasalukuyan ang pakikipagbakbakan ng mga tropa ng gobyerno sa mga teroristang grupo.
Binigyang-diin naman ng army official ang kahalagahan ng operasyon sa gitna ng mga ulat na may ilang mga residente ang naalarma dahil sa air support mula sa tropa ng mga gobyerno.
Kailangan umano ito ayon kay Zagala upang tuluyang makalaya ang Lanao del Sur mula sa kamay ng mga terorista.
