Nag-isyu ang Korte Suprema ng temporary restraining order laban sa kontrobersyal na “Oplan Baklas” ng Commission on Elections (Comelec) kasunod ng petisyon na inihain ng supporters ni presidential aspirant Vice President Leni Robredo.
Nabigyan naman ang Comelec ng 10 araw para magkomento sa petisyon na inihain ng St. Anthony College of Roxas City, Inc. at ng dalawang supporters ni Robredo na sina Dr. Pilita De Jesus Liceralde, na isa sa convenors ng Isabela for Leni, at Dr. Anton Mari Hao Lim, na isa sa convenors ng Zamboanguenos for Leni.
Ayon sa petisyuners, sila ang mga may-ari ng tarpaulins, posters, murals, at iba pang election materials na naka-display sa kanilang private properties, na inalis ng mga tauhan ng Comelec dahil sa Oplan Baklas.
Kamakailan, ay sapilitang inalis ng tauhan ng Oplan Baklas ang tarpaulins, posters, at murals na hindi akma sa size restrictions ng Comelec, kahit nasa loob pa ito ng private properties.
Base sa Section 21 ng Comelec Resolution 10730 ay limitado ang size ng posters sa 2 feet by 3 feet habang isang signboard lamang para sa headquarters, na hindi lalampas sa 3 feet by 8 feet ang pinapayagan sa ilalim ng Section 24.
Inootorisa naman ng Section 26 ng parehong resolusyon ang Comelec na agad alisin, sirain, o kumpiskahin ang mga pinagbabawal na propaganda material.
