CAMARINES NORTE- Hinimok ng Deparment of Health ang publiko lalo na ang mga expectant mother na huwag ipagwalang bahala ang kahalagahan ng Newborn screening (NBS).
Sa isinagawang virtual media dialogue nitong Martes, ipinaliwanag ni DOH- Bicol NBS Coordinator Sarah Mae Magtagnob na mahalaga ito upang maagang malaman ang iba’t- ibang sakit na maaaring dumapo sa bata lalo na ang mental retardation.
Ani Magtagnob, ang expanded newborn screening ay isang international public health program para maagang malaman ang anumang namamanang kondisyon na kung hindi magamot ng maaga ay maaaring humantong sa mental retardation o pagkamatay ng sanggol.
Aniya, hindi lang dito sa Pilipinas ito programa kundi sa buong mundo.
Paliwanag ni Magtagnob na ang newborn screening ay dapat maisagawa sa lahat ng bagong silang na sanggol sa Pilipinas makalipas ang 24 oras matapos maipanganak alinsunod sa Newborn Screening Act of 2004.
Sa ilalim ng naturang batas, obligasyon ng mga nurse at health workers sa mga ospital at lying- in clinic na turuan ang mga magulang ukol dito.
Noong 2020 ay mayroong 63 % coverage ang Camarines Norte sa NBS.
Mula Enero hanggang Mayo nitong taon ay nakapagtala ang lalawigan ng nasa 58 % coverage.
Sa 5, 975 na ipinanganak sa panahong nabanggit nasa 3, 450 ang na- screen.
Sabi ni Magtagnob kung mababa ang accomplishment coverage ay nangangahulugan umano ito na maraming bata ang hindi napapa newborn screened na sa bantang huli ay malalamang may mga sakit palang hindi na detect.

