Inaasahan na dadalo ang mga miyembro ng Board of Directors ng Prime Water at Sorsogon City Water District sa regular session ng Sanggunian Panglungsod ngayong araw para sa pagrepaso ng kanilang Joint Venture Agreement.
Plano kasi ng SP na busisiin ang nasabing kontrata kasunod ng halos sunod-sunod na araw na walang maayos na suplay ng tubig sa lungsod.
Mababatid na sa pagharap ni Engr. Alejandro Alama, Division Manager ng SCWD sa session noong nakaraang linggo, sinabi nito na nasa 80% na ang source development project ng kanilang opisina, isa na dito ang bagong source sa Sitio Baribag at Barangay Bibincahan, at nasa 5% pa lamang umano ang pagsasaayos ng mga tubo ng tubig sa West District simula sa Barangay Tugos hanggang sa Barangay Sirangan sa ilalim ng catch up plan ng Joint Venture Agreement.
Ayon naman kay City Councilor Bryan Pingul, kung hindi aniya natutugunan ng maayos ng mga nasabing ahensya ang kanilang mga trabaho baka mahirapan ito sa pag re-renew ng kanilang kontrata na mag e-expire ngayong Agosto 3, 2023.
Sa tanong naman ni City Councilor Mark Jason Jamisola, kung tama ba na dadaan sa mga linya ng tubig patungong kabahayan ang mga dumi habang nagsasagawa ng flushing o paglilinis ang water district, sagot ni Alama, hindi anya maiiwasan ito, pero sa ngayon umano ay naglalagay sila ng mga filter sa mga reservoir ng tubig sa lungsod upang maiwasan ito at matiyak na magiging malinis ang tubig sa lungsod.
